Kahalagahan ng Pakikinig.


Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.   Roma 10:17

    Ang mga sundalo ay sinanay na sumunod sa utos ng kanilang opisyal kaya naman kahit sila ay nasa digmaan hindi nila inaalis ang kanilang pakikinig sa kanilang mga leader. Kung ang leader ay mag bigay ng command na open fire lahat ng sundalo ay magpapaputok ng kanilang baril. Kung siya ay magcomand ng retreat lahat ay dapat umatras ayon sa plano kung saan sila pupunta. Isipin mo kung ang isang sundalo ay hindi nakikinig at hindi niya akalain na ang kanyang mga kasama ay naka atras na. ano kaya ang mangyayari sa kanya kung siya na lang ang maiiwang mag-isa?

    Tayo din po ay maihahalintulad sa mga sundalo na nasa kalagitnaan ng labanan. Labanan sa pagitan ng mabuti at masama. Ang ating Commander ay ang ating Panginoong Jesus at sa kanya tayo makikinig kung ano ang kanyang iuutos. Ang kaibahan lang si Cristo ang lumalaban para sa atin dahil wala tayong magagawa laban sa mga tukso ni Satanas. Para tayo ay magtagumpay ang pangunahing sandata na ating kailangan ay ang pananampalataya sa kanya at ito ay makakamit natin sa pamamagitan ng kanyang mga salita.

    Malinaw na pinapaalala sa atin ang kahalagahan ng pakikinig. Walang puwang sa pananampalataya ang makatwirang tao o mapagmarunong. Sa bawat salita ng Diyos na ating maririnig ang dapat nating gawin ay makinig ng mabuti at alamin kung ano ba ang gustong ituro ng Diyos sa atin. Dapat tayong magpakumbaba sa harapan ng Diyos upang Makita natin ang napakagandang panukala niya para sa atin. Sa pakikinig ay inihahanda nito ang puso para sa isang wagas na pagtitiwala.

    Sa talata din ay pinapaalala sa atin na kung ibig nating manampalataya sa Diyos dapat na tayo ay makikinig sa salita ni Cristo. Maari tayong mailigaw ng kahit na sino. Ngunit ang salita ni Cristo ang siyang maghahatid sa atin sa Diyos Ama. Sa bawat salita niya ay magtuturo ito sa atin ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Kamusta ang ating mga pinapakingan ito ba ay ang salita ni Cristo?

    Ito ang dahilan kung bakit marami sa mga tao ang walang pananampalataya sa Diyos dahil mali ang kanilang pinapakingan. Maraming tao ang mas nais maglaan ng oras sa pakikinig ng mga awiting ang mensahe ay kaguluhan, kalaswaan, kabiguan at kawalan ng pag-asa. Kaya minsan may mga taong magugulat ka na lang ng rape o nagpaptiwakal matapos marinig ang ganyang mga awitin. May mga tao naman na mas gusto makinig sa mga balitang puro patayan, paglala ng mga karamdaman at kahirapan na naghahatid sa atin ng takot lalo na sa ating kinabukasan. Yung iba naman mas nais makinig sa mga leader ng simbahan, sa mga networking at sa mga payo patungkol sa Negosyo. natutuwa sila sa mga mabulaklak sa salita at pangako na sa kanilang palagay ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa.

Maraming tao na ang kanilang pag-asa at paniniwala ay nasa mundo lang. Kaya naman ang kanilang atensyon ay nasa mundo lang na ito at hindi sa makalangit na bayan. Ito ang pamamaraan ni Satanas para tayo ay ilayo sa Diyos at mawalan ng pananampalataya sa kanya.

Ngunit kung ang ating pinapakingan ay ang salita ni Cristo, magkakaroon tayo ng tunay na pananampalataya at tunay na pag-asa.  






Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Disiplina ng Pag-ibig ng Diyos

May Magandang Plano ang Diyos

Hindi Ka Pababayaan ng Diyos