Hilingin ang kanyang kalooban.

       


   
                                                                                                            

At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalagin, na may pananampalataya, ay inyong tatangapin. Mateo 21:22

    Isang araw ng Sabado. Habang ako ay nagtuturo ng Sabbath School Lesson sa ating simbahan ay mayroong isang kabataang babae na nagmamadali at papalapit sa akin. Siya ay hingal na hingal at kaniyang sinabi ang isang masamang balita na ang aming kapatid sa pananampalataya ay pumanaw na. ang gusto nila ay pumaroon ako. Pero nabigla ako at nakaramdam ng kunting kaba sapagkat wala akong karanasan sa ganoong pangyayari hindi ko alam ang aking gagawin. Dalawa naman kaming mangangaral sa lugar na yaon. Pero ang pinagtataka ko kung bakit ako lang ang pinapapunta. Nilinaw ko kung pwede ba ang aking kasama pero ang sabi ay. "Ikaw daw po!" Tiningnan ko ang aking partner para sabihin na kung pwede ay siya na lang dahil nagtuturo ako ng lesson. (Pero sa totoo lang alibi ko lang yun para hindi ako makapunta dahil hindi ko alam ang gagawin.) Yung partner ko mukhang nahalata niya kung ano ang ibig kong sabihin kaya dali-dali niyang kinuha ang lesson sabay sabing punta kana ako na ang magtuturo ng lesson. Sapalagay ko iniisip niya rin ang iniisip ko at parehas kaming walang karanasan para sa ganoong paglilingkod. 

Wala na akong nagawa kaya pumunta ako kasama ng mga nagsundo sa akin. habang ako ay nakasakay sa motor nanalangin ako kung ano ba ang dapat kung gawin. Iniisip ko, ano kaya kung hilingin ko na buhayin ang aming kapatid. Maraming magandang epekto iyon sa aming pangangaral sa lugar na iyon. kung sakaling buhayin siya ng Diyos siguradong magiging madali ang aming pangangaral, maaaring maging welcome kami sa bawat bahay na aming pupunthan at siguradong makikinig sila sa amin at tatangapin nila aming ipinapangaral. Naroon na rin ang tukso sa akin na hilingin kong buhayin para masubukan ko ang aking pananampalataya kung gaano ba talaga kalakas. Naiisip ko ang talata na nasa Mateo 21:22 na ibibigay niya ang anoman kung ako ay mananampalataya sa kanya. 

Habang kami ay papalapit sa kanilang bahay dumalangin akong muli sa Diyos at hiniling ko na ako ay gabayan niya at ituro sa akin kung ano ba ang dapat kung gawin. Pagpasok ko sa kanilang bahay ay ramdam na ramdam ko ang taas ng tension. Malakas na iyakan, may nagwawala at may sumisigaw habang umiiyak. Ang aking ginawa pinalapit ko silang lahat at inanyayahang manalangin. Nang ako ay nananalangin, nawala sa isip ko na hilingin na buhayin ang aming kapatid sa pananampalataya. kundi ang namutawi sa aking bibig ay isang panalangin ng pasasalamat. Baka isipin nyo na parang hindi tama. namatayan na nga pinagpasalamat ko pa! Pero yun ang itinuro sa akin ng Banal na Espiritu ang magpasalamat, bakit? Ang aming kapatid ay matanda na, matagal na siyang panihihirapan ng kanyang sakit. Siya ay dalawang taon ng bed ridden. Kaya ang nasabi ko, salamat po Panginoon sapagkat sa napaka habang panahon na paghihirap ng aming kapatid na ito ay tinapos nyo na at binigyan mo na siya ng kapahingahan. Umaasa po kami na hindi nyo isasawalang bahala ang kanyang katapatan at kabutihan sa inyo. Alam namin na siya ay muli nyong bubuhayin sa ikalawang pagbabalik nyo upang siya ay muli naming makasama na wala na ang paghihirap kundi isang magandang ngiti sa kanyang labi ang aming makikita. 

Matapos ang aking panalangin ay nawala na ang tension, wala na ang umiiyak at lahat ng kaniyang mga kamag-anak ay lumapit at nagpasalamat sa akin. sa tingin ko ay naunawaan nila ang mensahe ng Banal na Espiritu ng mga oras na iyon. 

Sa aking karanasan na iyon ay na ituro ng Diyos sa akin, kung paano manampalataya sa kanya. Sa pananampalataya ay sinasampalatayanan natin ang kanyang kalooban at hindi ang ating pansariling kagustuhan. kung ang ating panalangin at hinihiling ay nakabase sa kanyang kalooban ito ay ating tatangapin. Lagi nating isipin na matalino ang Diyos alam niya ang mas makakabuti hindi lamang para sa atin kundi pati rin  sa mga taong nasa paligid natin. Kaya huwag natin siyang pangunahan bagkos humiling tayo sa Diyos ng may pananampalataya sa kanyang kalooban. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Disiplina ng Pag-ibig ng Diyos

May Magandang Plano ang Diyos

Hindi Ka Pababayaan ng Diyos