Pagbibigay ng Pag-asa: Ang Pangako ng Diyos sa Mateo 1:22
Talata: Mateo 1:22
Ang lahat ng ito’y nangyari upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta.
Sa panahong ito, ang mga Israelita ay nasa ilalim ng pananakop ng malupit na Imperyong Romano. Ang kanilang hangarin ay mapalaya mula sa kamay ng mapang-aping bansa. Alam ng Diyos ang kanilang paghihirap at naririnig Niya ang kanilang mga daing, kaya’t ipinahayag Niya ang isang pangako—ang pangakong pag-asa. Isang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Kanyang Anak.
Ngunit pansinin natin: bakit nga ba nalugmok ang bayan ng Israel sa ganitong kalagayan? Iisa ang dahilan—lumayo ang kanilang puso sa Diyos.
Ganito rin ang nangyayari sa atin. Marami sa ating paghihirap ay bunga ng paglayo natin sa Diyos, na siyang pinagmumulan ng buhay at tunay na kaligayahan. Ngunit ang layunin ng Diyos ay hindi lamang iligtas ang Kanyang bayan mula sa pisikal na paghihirap, kundi higit sa lahat, mula sa kapangyarihan ni Satanas at sa pagkaalipin sa kasalanan.
Kahanga-hanga ang paraan ng pagliligtas ng Diyos. Hindi lamang Niya tinutugunan ang mababaw na dahilan ng ating paghihirap, kundi inaayos Niya ang tunay na ugat nito. Sa kabila nito, maraming tao ang umaasa na matatapos ang kanilang paghihirap sa pamamagitan ng kayamanan, na para bang ang salapi ang magliligtas sa kanila. Ang iba naman ay naghahangad ng pisikal na kagalingan, na para bang ito ang magbibigay sa kanila ng ganap na kaligtasan.
Ngunit ang katotohanan, ang mga materyal na bagay ay hindi ang ating pangunahing pangangailangan. Maaari man nitong maibsan ang ating hirap, ito ay pansamantala lamang at hindi nagdudulot ng espirituwal na kaligtasan.
Maaaring iba ang pamamaraan ng Diyos kaysa sa ating inaasahan. Kaya’t ang dapat nating gawin ay magtiwala sa Kanyang paraan at huwag umasa sa sarili nating kagustuhan at karunungan. Magtiwala tayo sa Kanyang pagliligtas.
Marami sa atin ngayon ang parang alipin—maaaring ikaw ay alipin ng sakit, kahirapan, kawalan ng pag-asa, pang-aabuso, adiksyon, kawalan ng trabaho, kalungkutan, takot, o pag-aalala. At higit sa lahat, tayong lahat ay alipin ng kasalanan.
Ngunit ipinahahayag sa atin ng Diyos na may pag-asa. Narito ang Kanyang Anak—si Jesus—na siyang nagligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan. Dahil dito, mayroon tayong isang dakilang pag-asa.
Anuman ang iyong pinagdaraanan ngayon, kaya ka Niyang palayain. Anuman ang umaalipin sa iyo, may kapangyarihan Siyang magbigay ng kalayaan. Lumapit tayo sa Kanya at magtiwala, at malalampasan natin ang anumang pagsubok.
Sapagkat Siya si Jesus—at ililigtas Niya ang Kanyang bayan.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento